Alam mo yung ang dami dami mong naiisip pero sa di mo malamang dahilan e ang hirap hirap nilang isulat. Siguro, o sabihin na nating kadalasan, sarili mo lang talaga ang maaring makaintindi sa iniisip, nararamdaman at sinasabe nito.
Alas dos ng hapon, nadatnan kong walang katao-tao ang klasrum, kalat-kalat ang mga upuan at bukas ang lahat ng bentilador kahit wala namang gumagamit, hay naku naman. Walang makausap, walang makakwentuhan, wala pa kasi akong nagiging kaibigan sa klase. Isang oras pa bago ang susunod na klase, pero kahit isang oras pa ang hihintayin ko e nagpasya na akong pumasok na ng mas maaga.
Ramdam ko ang lamig sa loob ng kwarto, bagama’t may di maikukubling init ang dumadampi sa aking balat buhat ng katirikan ng araw. Maaliwalas ang lahat, ang mga ulap ay mistulang malalambot na marshmallow na tila inaaya akong lumipad kasama nila, ang mga dahon ng puno’y pumapagaspas tila ba’y nag-aaya sa mundo ng katahimikan at paghimbing. Gusto kong makiisa sa paligid, ngunit sa kawalang kasangguni, hindi dapat ako magpa-ubaya.
Nakikita ko ang mga berdeng bulubundukin at ang pag-iibang kulay nito buhat ng pagsayaw ng mga ulap. Ang mga sasakyang tila laruan ay parang bata kong pinagmasdan. Ang mga nagtataasang damo na tila ba’y sumasayaw sa iisang kumpas. Ang mga ibong paisa-isang dumadapo sa mga puno, mataal tagal na rin noong una ko itong natangis, at sa magkaparehang pagkakataon, ganoon pa rin at ako’y nag-iisa.
Napangiti ako’t napahawak sa nililipad kong buhok, napakalayo ng lugar na ito sa sentro ng pagiging sosyal. Napakasimple ng lahat ng bagay, payak at taimtim na nabubuhay.
Di ko maikakailang may lungkot na kumukubli sa aking isipan. Wala akong karamay, wala akong maaaring makakwentuhan hinggil sa kagandahang nasisilayan ko. Wala akong maaaring hingian ng opinion kung saan kaya papunta ang daang iyon at iyon.
Maraming nawala sa akin, may mga dumating ngunit ano pa’t nawala din. Pag-ibig, kaibigan, pamilya at ambisyon. Saan ko nga ba gustong lumipad? Saan ko nga ba gustong manahan? Ano ang kinatatakutan ko? Ano ang meron sa akin na dapat ko pang tuklasin? Sino nga ba ako at ano nga ba ang silbi ko sa mundo? Sino ang mga totoong nagmamahal sa akin at sino ang mga dapat kong mahalin? Kasing sagana ng mga bulaklak ng puno ng mangga dulot ng nalalapit na pag-usbong ang mga katanungang tumitimo sa aking sentido.
Gusto kong sumaya. Gusto kong maging malaya. Gusto kong magmahal at mahalin din. Gusto kong mabuhay ng may kabuluhan, ng payak ngunit may katuturan.
Marami pang gustong itinta ang aking pluma, ngunit sa pagkakataong ito, hahayaan ko munang isip ko lang ang sumarili sa kanya.
Kapiling ng mga ulap at hangin, mahahanap ko din ang tunay kong tahanan.